Matapos alisin sa mga palengke at tindahan ang gatas na kontaminado ng nakakalasong Melamine, saan kaya ito dinadala?
Sang-ayon ako na alisin ang mga gatas na ito dahil sa pinsala na dala ng Melamine sa katawan. Maraming bata sa China ang nagkasakit dahil dito at ang buong mundo ay niyanig ng balitang ito. Marami kasing produkto na mula o hinahaluan ng gatas, kaya hindi lamang gatas ang ating dapat bantayan.
Subalit ang isa pang mahalagang tanong ay kung saan dinadala ang gatas na may Melamine na inalis sa mga palengke at tindahan. Ito ba ay sinisira o tinatapon? O baka naman may mga baluktot ang isip dyan at tangkain na ilagay sa ibang lalagyan ang gatas na may Melamine at palabasin na hindi ito galing Tsina.
Dapat mailinaw sa atin ng gobyerno kung saan napupunta ang gatas na may Melamine at kung ito ay totoong sinisira o tinatapon.