Napansin na rin siguro ninyo ang malaking pagbabago sa MRT sa mga nakaraang linggo. Parang naging isang matamis na kendi itong MRT kung saan dinudumog ng langgam. Ubod ng daming tao ngayon na sumasakay. Nung nakaraang araw, hindi ko na kailangang maglakad pa para makapasok sa loob ng tren dahil sa tindi ng siksikan, bubuhatin ka ng alon ng mga nagsisiksikang mga tao.
Madalas na rin ang sigawan sa pagitan ng mga pasaherong nais makasakay at iyong nakasakay na. Sasabihin nang isa, "pasok sa gitna, gusto rin naming makarating sa trabaho" at sasagot naman ang kabila "wala nang pwesto, next train na lang" o kaya naman "walang tulakan" at may sasagot "sino ba ang nanunulak." Kahit sa dating medyo maluwag na pwesto ng pambabae at matatanda, balyahan na rin ngayon.
Kung naligo ka bago umalis ng bahay, tiyak may isang round pa ng paligo dahil sa tagaktak na pawis. Hindi na kaya ng air-conditioning ng MRT ang dami ng tao. Kailangan nang dagdagan ng MRT ang bilang ng tren nito dahil hindi na talaga kaya ng kasalukuyang dami ng tren ang pagdagsa ng pasahero. Delikado rin ang ganito kasiksik na tren, tumataas ang tsansa na may maipit sa tulakan, lalu na ang mga matatanda at bata.